Coco Martin may mensahe sa may pakana ng ABS-CBN shutdown: “Tinatarantado ninyo ang mga Pilipino!”

Kamakailan lang ay naging viral sa social media ang tungkol sa pagsasara ng isa sa pinakamalaking estasyon sa bansa na ang ABS-CBN.

Kaya naman hindi napigilan maglabas ng sama ng loob ang Kapamilya aktor na si Coco Martin matapos mag labas ng direktiba ang National Telecommunications Commission (NTC) upang utusan ang naturang network na tumigil sa pag-ere.

Sa kanyang naging Instagram post, sinabi nito na nararapat lamang umano na maglabas siya ng saloobin tungkol sa nangyaring pagsasara ng ABS-CBN dahil wala rin naman umano kasiguraduhan kung buhay pa siya pagkatapos ng pandemic na kinakaharap ng bansa.

Sinabi rin ng aktor na walang konsensiya ang may pakana sa pagsasara ng naturang network dahil hindi umano nila ikinonsedera ang mga taong mawawalan ng mga trabaho lalo na sa gitna ng krisis.

“Tutal wala naman kasiguraduhan kung buhay pa ako pagkatapos ng pandemic na ito. Tama lang na masabi ko ang mga saloobin ko. Sa mga taong pilit nagsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN, sana ay panatag na panatag na ang kalooban niyo. Sana nagdala ito ng lubos na kaligayahan sa mga puso ninyo. Mahirap magsawalang-kibo sa mga taong katulad ninyo na patuloy na nang-aabuso,” saad pa ng aktor.

“Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya! Lalo lang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino! Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?” dagdag pa nito.

Binweltahan rin ng aktor ang mga kritiko ng ABS-CBN na kung saan sinabi nito na hindi umano karapat-dapat pakitaan ng diplomasya ang mga kritiko at pagkamalumanay na pagkasalita.

“Hindi ako mangingiming sabihin ang totoong nararandaman ko ngayon. Sa mga taong tulad niyo na hindi karapat-dapat pakitaan ng diplomasya at pagkamalumanay. Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan! Galing ako sa hirap at jologs ang pagkatao ko, kaya wala akong pakialam ngayon kung anong sasabihin ng ibang tao.” ayon pa kay Coco Martin.

“Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada!” dagdag pa nito.

Sinabi rin ng aktor na tinarantado umano ni Solicitor General Jose Calida at ng myembro ng NTC ang mga Pilipino.

“Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan! TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!” ayon pa sa kanya.