Mayor Isko Moreno ipinasara ang isang negosyong nagpakilala sa Maynila bilang ‘province of China’

Naging viral sa social media ang tungkol sa pagsasara ni Mayor Isko Moreno sa isang establisyamento sa Binondo matapos ilagay ang address bilang Province of China.

Nitong Huwebes, Ipinasara ni Isko Moreno ang isang nagbebenta ng mga beauty product dahil napag-alaman ito na walang lisensiya.

Ngunit mas lalong nagalit ang alkalde dahil nalaman nito na ang inilagay sa addres na ginamit ng tindahan ay “1st floor 707 Sto. Cristo Street, San Nicolas, Manila, Province of China.”

Sa isinagawang live broadcast ng alkalde, sinabi nito na ang mga ipinasara umanong establisyamento ay may mga nilabag na batas.

“Kung usapin rin lamang ng permiso o lisensiya sa pagnenegosyo sa lungsod ng Maynila, meron po kaagad silang violation. Yan po yung misrepresentation ng kanilang address.” saad pa ng alkalde.

“Ang bawat lungsod o local government sa buong Pilipinas ay nagbibigay po ng business permit base sa kung saan ang lugar ng kanilang tindahan. At dahil doon po, iniinspeksyon po ‘yon at malalaman na talagang may tindahan at sumusunod sila sa mga regulasyon o alituntunin na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.” paliwanag pa ni Moreno.

Nilinaw rin ni Mayor Isko Moreno na kahit kailan ay hindi naging probinsiya ng bansa China ang Maynila.

“Pangalawa at higit sa lahat, ang Binondo ay bahagi po ng Maynila, at ang Maynila ay Pilipinas. Ang Maynila ang kapitolyo ng bansa. Hindi po ito probinsiya ng China.” saad pa nito.

“At ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o sa kasaysayang naitala sa panahon ng mga ninuno natin. Hindi po katanggap-tanggap sa aking bilang Pilipino, bilang Manileño. Hindi po natin papayagan ito.” dagdag pa nito.

Sinabi rin ng alkalde na hindi niya hahayaan na maliitin tayo ng ibang bansa sa sarili nating bansa.

“Hindi natin hahayaan ang mga super power na ‘yan na para bang tayo’y pinipitik-pitik na lang sa mata at binabalewala nila ang sobrenitiya ng ating bansa, at dito pa gagawin sa Maynila.”

“Umasa po kayong hinding-hindi po namin papayagan itong mga indibidwal na ito na para bang sinasampal-sampal na lang tayo sa mukha natin at sa harapan natin.” saad pa ni Isko.

Yorme Isko live: Discussing closure of a store representing itself as 707 Sto. Cristo, San Nicolas, Manila, Province, PR China.Dalawang Chinese national na may ari pinade-deport at pinadideklara na undesirable alien sa Immigration hinimok ng Alkalde na aksyunan ang hiling.

Posted by Isko Moreno Domagoso on Thursday, August 20, 2020