“Nanginginig ako na hindi ko alam” Vice Ganda reacts on ABS-CBN franchise renewal decision

Kamakailan lang ay naging laman ng social media ang usapin tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN o Kapamilya network.

Matatandaan na nag bigay ng cease-and-desist order ang National Telecommunications Commission sa ABS-CBN upang ipatigil ang kanilang pag-ere dahil sa expire nilang prangkisa.

Kahapon lamang inilabas na ng kongreso ang kanilang naging desisyon kung bibigyan pa ba ng bagong prangkisa ang naturang estasyon.

Ngunit sa kasamaang palad, sa 70-11 na boto pumabor ang desisyon na huwag na bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN dahil na rin umano sa kanilang mga nilabag na batas.

Bumuhos ang luha ng mga kilalang personalidad pati na rin ang mga artista katulad na lamang ni Vice Ganda na kung saan sinabi nito na nanginginig umano siya ng malaman ang naging desisyon ng kongreso.

Sa naging panayam ni Mario Dumaual ng ABS-CBN News kay Jose Mari Viceral o mas kilala sa tawag na Vice Ganda, laking gulat ni Vice Ganda ng sabihan siya na hindi nabigyan ng panibagong prangkisa ang kanilang home network.

“Kailangan ko lang prosesohin ang naramdaman ko, kasi ngayon ko lang nalaman yung desisyon. So, magulo pa yung nararamdaman ko. Hindi ko alam. Para akong nanginginig na hindi ko alam. Ang alam ko, malungkot na malungkot ako ngayon,” saad pa nito.

“Buhay ko, buhay niyo, buhay ng audience, buhay ng madlang people, buhay ng mga Kapamilya, buhay nating mga Pilipino. Buhay natin ito.”

“Ang ABS-CBN, ang serbisyong ibinigay niya ay naging malaking bahagi ng araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Napakalaking bahagi,” dagdag pa nito.

Marami pang kilalang mga personalidad ang nag pahayag ng kanilang pagkadismaya sa naging desisyon ng kongreso.